top of page

Ang Panaginip ni Erikson

NAGISING SI ERIKSON sa daigdig ng kanyang panaginip. Alam niya ito dahil lahat sa paligid ay para bang lumulutang na imahen. Subalit ang ipinagtataka niya ay kung bakit nararamdaman niya ang dampi ng hangin sa kanyang katawan. Naririnig niya ang agos ng ilog sa di kalayuan. Naaamoy niya ang simoy ng kagubatan.


Pero…Pero nasaan akong lugar? Tanong niya sa kanyang sarili.


Iginala niya ang kanyang mga mata. Pamilyar ang lugar. Natanaw niya ang magandang rock formation ng Bato-Ili. Nasa gitna siya ng tulay na nagdurugtong sa bayan ng Rizal at San Jose sa Occidental Mindoro.


Hindi ba’t kalimitan naman kapag nanaginip tayo’y mga lugar din sa totoong mundo ang napupuntahan natin.


Sinubukang ihakbang ni Erikson ang kanyang mga paa. Bigo siyang lumakad. Pero laking gulat niya na kaya niyang lumipad. Hindi naman kataasan pero sapat na para hindi niya maramdamang nakatungtong siya sa lupa.


Ganito pala ang pakiramdam ng isang anghel. Ang maramdaman na kaisa ang hangin. Para siyang lagalag na kaluluwa na naglakbay sa mundong gawa ng kanyang isip.


Labis ang tuwa ni Erikson dahil kaya niyang maglakbay sa kanyang panaginip. Kaya niyang gumalaw. Hindi kagaya noon na ang panaginip niya ang nagpapagalaw sa kanya. Naglibot si Erikson na parang paruparo sa malawak na hardin. Pumaimbulong siya sa marahang agos ng ilog Busuanga. Umakyat sa tuktok ng Bato-Ili. Nagpabalik-balik. Sa realidad, tanging sa larawan niya lang ito nakikita. O kaya’y natatanaw lamang niya sa bintana ng bus kapag dumaraan dito tuwing lumuluwas siya ng Maynila. At nang mapagod, nagpahinga siya sa batuhan sa gilid ng ilog. Sinubukan niyang dumampot ng bato para ihagis sa tubig. Lalo siyang natuwa dahil kaya niya. Para siyang bata na paulit-ulit ipinukol ang bato sa marahang agos. Paalis na sana siya nang makita ang isang budyung na lumutang mula sa agos. Ang budyung ay isang trumpeta na karaniwang yari sa kawayan. Gamit ito ng mga katutubong Mangyan sa kanilang mga ritwal. Namangha si Erikson dahil ngayon lang siya nakakita nito sa totoong buhay. Ay sa panaginip pala. May mga nakaukit dito na Mangyan scriptures na hindi niya maintindihan. Dinampot ni Erikson ang budyung, saka niya hinipan. Noong una’y walang tunog na lumalabas. Inulit-ulit niya hanggang marinig niya ang nakakaakit na tunog sa hangin. Bumuo siya ng melodiya. Pero habang nagpapatuloy siya sa pagtugtog ay unti-unti siyang umaangat sa hangin kasama ng agos ng ilog. Paikot-ikot. Para siyang hinehele ng musika, ang kanyang haraya. Nagpatuloy si Erikson. Nagbabago ang imahen sa paligid niya. Nawawala ang ilog. Ang tulay. Ang batuhan. Ang magandang tanawin ng Bato-Ili.


***

BUMALIK ANG ULIRAT ni Erikson nang marinig niya ang malakas na dagundong ng isang makina. Nakatatakot. Parang halakhak ng halimaw. Inisip niya kung ano. Tunog pala ng helicopter. Nang siyasatin niya ang lugar, nasa isang pamayanan siya ng mga katutubo. Mula sa helicopter ay may nagbabaan na mga armadong kalalakihan. Hindi niya masyadong maaninag pero tukoy niyang kulay berde ang suot ng mga iyon. Camouflage pa nga. Bumaba ang isa, dalawa, sampu, dalawampung tao mula sa helicopter. Nagtaka si Erikson paanong nagkasiya ang mga iyon sa helicopter. Sa pag-alis ng helicopter ay napalitan ang tunog ng makina nang hiyaw at iyakan. Hindi alam ni Erikson kung ano ang mas kahindik-hindik na maulinigan. Mga batang katutubo na umiiyak dahil sa takot. Mga nanay na nagtatakbuhan. Nagkakagulo ang buong pamayanan. Gustong makitakbo ni Erikson pero hindi na siya makagalaw. Hindi gaya kanina. Para siyang ipinako sa kinalalagyan niya. Hawak niya ang budyung. Tinipon ng mga armado ang mga katutubo. Pinapila. Para silang mababangis na hayop. Galit na galit. Tinatadyakan ang mga kalalakihan. Dinudukdok ng baril ang nagmamatigas. Iginapos ang paa at kamay nang nagpakilalang lider ng pamayanan na parang baboy. Kahit pa magmakaawa siya. Gustong sumigaw ni Erikson. Gusto niyang pigilan ang nangyayari pero impit ang boses niya. Walang tinig na marinig kundi ang galit sa dibdib niya. Inihiwalay sa pila ang mga kalalakihan at kababaihan na itinuro ng isa sa mga armado. Bakit? Tanong ng isip ni Erikson.


Igapos ang mga rebelde na yan, sambid ng tila kumander ng mga armado.


Hindi kami rebelde, kaibigan. Kaibigan, hindi kami rebelde. Pagmamakaawa ng mga katutubo.


Pero tila bingi ang mga armado. Wari’y hindi nila naiintindihan ang salitang makaawa.


Suntok, Balya. Tadyak. Dukdok ng armalite ang inabot ng mga iginapos na katutubo.


Hindi maatim tingnan ni Erikson ang nangyayari pero wala siyang magawa. Siya man ay tila nakagapos sa kanyang sariling panaginip.

Hindi pa nasiyahan ang mga armado.


Kinaladkad ang isang dalagita. Sapilitan na ipinasok sa isang maliit na kubo. Isa-isang nagsunuran ang mga armado. Naglalaway ang bawat yabag ng bota.


Nagpupumiglas si Erikson sa sarili niyang panaginip. Gusto niyang magising at matapos na ang karahasan. Dahil ang bawat eksena ay parang kutsilyong tumatarak sa kanyang kaibuturan.


Makamundo ang mga halakhak na lumabas mula sa bintana ng kubo. Hindi man nakikita ni Erikson ang nangyayari sa loob pero alam niya kung ano ang sinasapit ng dalagita. Pinakamalakas ang sa kumander. Habang umaalingawngaw ang boses nito’y parang sinasakal si Erikson. Sa kada batingaw ng kahayukan ay parang nauupod ang hininga ni Erikson. Humahangos siya. Pilit na inaapuhap ang tumatakas na sariling hininga. Hanggang sa umabot sa sukdulan. Gusto nang mamatay ni Erikson sa sariling panaginip para matapos na ang nabuong bangungot. Pero may pang-uusig ang kaluluwa niya na hahayaan bang manaig ang mga armado. Ang kasamaan na dala ng mga ito.


Nagpumilit si Erikson na makagalaw. Parang siyang bulkan na nais sumabog ng sandaling iyon. Nagpupumiglas. Hanggang sa maigalaw niya ang kanyang mga kamay. Pero parang inuutusan siya ng panaginip na hipan ang budyung. Mahinang ihip noong una. Papalakas nang papalakas nung mga sumunod. Hanggang sa parang salamin na bumabagsak ang buong paligid. Gumagapang ang lamat. At sa huling silakbo ng galit ay itinodo ni Erikson ang pag-ihip. Sumabog ang lahat na libong pirasong bubog. Kitang-kita ni Erikson kung paanong nagliparan ang mga repleksyon ng mga imahen sa salamin. Ang nakagapos na lider. Ang kumander na nasa ibabaw ng dalagita. Walang ibang nais si Erikson kundi madurog na parang buhangin ang lahat ng nakita niya. Upang mabura sa kanyang alaala. Maging sa kanyang gunita.


***


Nagising si Erikson.


Hangos na hangos. Tumatagaktak ang pawis. Dali-dali siyang bumangon sa kama para uminom ng tubig.


Walang maalala si Erikson sa kanyang panaginip.


Nadaanan niya ang nakabukas na laptop papalabas ng kanyang silid. Mapang-akit ang liwanag. Parang may nais sabihin. Binasa niya ang isang balita sa newsfeed ng Facebook niya.


“Mangyan Community Attacked by State Forces Despite Pandemic…”


Nanumbalik ang lahat.


Matutulog ba siyang muli o mananatiling gising sa realidad.



***



Si Allan Paul F. Catena ay isang guro sa Occidental Mindoro State College. Co-author siya sa mga librong Stopover: Mga Tula ng Pagninilay at Paglalakbay, Kapag Nalaman Mo: Mga Tula. Siya rin ang may akda ng unang solo book niya na Si Mang Francing at ang mga Lagalag na Kaluluwa ng Siete Central.


***


Read full issue here for FREE.


Kasiyanna is an anthology that honors the traditional, rich cultures of indigenous people and sheds light on the collective issues within their communities amidst the pandemic. There might not be a silver lining to the crisis yet, but this issue hopefully allows deeper dialogue and engenders a stronger call to action.


Banner art by Allen Esteban

bottom of page