Isang Aparisyon ng Pagsisilang

Apat o limang buwan na yatang naka-lockdown ang buong siyudad. Hindi rin ako sigurado. Ilang araw na ‘kong di tumitingin sa kalendaryo.

Nangangati na naman ang buong katawan ko. Noong huling ligo ko, hindi ko alam kung noong nakaraang linggo o nakaraang buwan, naramdaman kong bumibigat ang ibinubuhos kong tubig gamit ang tabo. Naramdaman ko ang bigat nito sa ‘king katawan. Parang nagiging buong-buo ang bawat buhos ng likido. Ang bawat buhos ay isang malaking sawang pumupulupot sa katawan ko. Isang sawang walang tiyak na hugis at anyo bagaman lumilingkis ang dulas at bigat nito sa ‘king kabuuhan. Natakot na ulit akong maligo. Natakot ako na baka isang araw, magkaroon ng katawan ang tubig mula sa timba o tabo. Tubuan ng ulo’t dumilat ang mga mata. At sa huli’y tuklawin na lamang ako.


Hindi ko na rin maalala ang huling araw kung kailan ako kumain. Naging matabang na ang aking panlasa. Tamad na tamad din ang bibig kong ngumuya ng kahit anong pagkain. Noong huling kain ko, isinuka ko lang ang lahat sa lababo. Nagkabit-kabit kasi ang mga piraso ng pagkaing isinubo ko at nang mabuo muli sila sa loob ng sikmura, para itong nagkapaa nang maraming-marami na parang sa alupihan at gumapang pabalik sa ‘king lalamunan. Doon ko naramdaman na parang punong-puno ang aking lalamuna’t bibig at naisuka na lamang ang kabuuhan ng aking loob.


Nang humilig ako pakaliwa sa hinihigaang katre, doon ko nakita ang lumalagong siyudad sa buong kwarto. Nasanay na kasi akong nakatitig sa puting pader ng kwarto at doon ipinta ang lahat na ng masamang maaaring mangyari sa mundo, maging sa sarili. Natumba na ang lalabhan sa dami ng maruruming damit. Parang gumuhong building at basta na lamang inabandona. Nakita ko ang maliliit na bersyon ng aking sarili na pilit na umaaho’t gumagapang palabas mula sa tipak-tipak na labada. Sa katabing lamesa, naroon ang maraming balat ng sitsirya’t mga bote at lata ng softdrinks. Narinig kong nagpupulong ang mga basura. Taimtim akong naki-usyoso at narinig ko ang tawanan nila habang binabanggit ang pangalan ko sa gitna ng mga usapan nilang di ko maintindihan. Biglang parang tinubuan ng mga mukha ang mga bote’t lata. Nilingon ako ng mga ito at nagpatuloy sa pagtawa. Matinis silang naghalakhakan.


Sa parehong lamesa, naroon din ang laptop ko. Nakabukas at kulay langit ang screen. Biglang pumusyaw ang kulay nito at ilang sandali pa’y para na ritong may namumuong bagyo. Nabalot ng maiitim at makakapal na ulap ang screen ng laptop. Nagulat ako nang makarinig ako ng malalakas at sunod-sunod na pagkulog. Gusto kong magtago sa ilalim ng kumot pero wala na ‘to sa hinihigaan ko. Tuluyan nang namatay ang laptop. Wala nang makikita rito kundi ang repleksyon ng isang bahagi ng aking kwarto.


Sa repleksyon, makikita ang masayang larawan namin ni Mama. Kung papano’y parang bigla akong nakabalik kasama si Mama sa panahon bago kami kunan ng larawan. Nakangiti si Mama at magandang-maganda sa suot niyang kulay kalimbahin na bestida. Pagkatapos ng pag-aalaala’y natagpuan ko ang sarili kong nakahukot at nakasisid sa isang maliit na daigdig ng tubig. Narinig ko ang matinis na pagtili at halong pagsigaw ng isang babae. Hindi ako maaaring magkamali. Iyon ang boses ni Mama. Ang bawat palahaw ay halong ingay ng di mawaring sakit at… tapang, pagpupunyagi. Nakita ko ang sarili kong papalabas sa isang makitid na lagusan. Mula tubig ay nabalot ako sa pulang-pula’t malapot na dugo. Nakaramdam naman ako ng pag-asa sa unang liwanag na sumilaw sa ‘king mga mata.


Hindi ko sinunod ang gàwing ma(ka)tulog sa parehong pagkakataon. Bumangon ako at pumunta sa dakong pinto ng kwarto. Dinampot ko ang dustpan at walis. Sa labas nitong maliit na kwarto, alam kong tinatawag ako ni Mama. Nanabik din akong magtimpla ng pareho naming paborito na mainit na tsaa.



*** #MementoCreative Marren's works can be read in Inquirer, Balintuna, Aksyon, Inkwentro, Basag Anthology, Liwayway, Gaslight Online, Valenzuela Network, and Kult Journal. His collaborative work Ortigas Excursions won the Komura; Creators Grant 2019. He can give you free tarot reading.

*** Read full issue here for FREE. Memento. Stories and images in the time of COVID-19 An anthology of the struggles and hopes of Filipinos during the global health crisis of our time. Banner art by Allen Esteban