Moisture Alert
HINIWA NG MANIPIS NA SHEET NG PLASTIK ang tagiliran ng smartphone. Pagkaangat ng balat, binuklat ng namumulang kuko ang likuran ng gadget; lantad and kalansay ng circuits at ang maliliit na ulo ng turnilyo sa loob. “1 oras pa po,” banggit ng kaharap ko. “O-order pa kasi ng piyesa.”

Nang hindi umayon ang CHED sa pagpapalit-petsa ng pasukan ng DepEd, ang unang sumagi sa isip ko ay ang Ate Mae Anne. Pinsang buo ko kay Tito Erning, ang nakatatandang kapatid ni Papa. Siya kasi ang sumimot ng mga ibinebenta kong libro noong ikalawang buwan ng quarantine—matapos malamang pinag-iipunan ko ang nalalapit na online learning. Bilang pasasalamat, napagplanuhan namin ni Papa na ibigay sa kanya si Beauty. Isa sa apat naming mga tuta.
“Kontakin mo si Mae Anne,” ani Papa. “Since ibababa naman natin si Beauty sa kanila, baka pupuwede ‘ka mong maki-connect ka sandali.”
Simula nang isulong ang online classes sa bansa, ni isang beses ay hindi pa ako nakasasali sa anomang webinars. Madalas kasing maantala ang signal sa Antipolo, kung saan kami kasalukuyang rumerenta ng tirahan. Iba’t ibang network na nga ang sinubukan ko. Subalit ganoon pa rin ang sitwasyon: pagal, mabagal na koneksiyon.
Hindi naman na bago sa akin ito. Kung tutuusin, kabisado ko na ang kahingian sa pagbilis ng mobile data sa amin. Pasensiyang makapaghintay sa pagpatak ng hatinggabi; makailang bukas-sara ng airplane mode; at partikular na puwesto sa banyo. Oo, banyo. Walang halong biro. Halos 2 taon na nang madiskubre ko ang mga ito para makapag-internet. Kaya imbes na lumabas at tumambay sa kabilang kanto, tinitiis ko na lamang ang pulikat sa tagal ng pagkakaupo sa inidoro. Kahit kadalasang inaabot ako ng umaga.
“Okay raw sabi ni Ate Mae Anne!” Tinapik ko si Papa na busy sa panunuod ng balita. “Pero di ba delikado? I mean, oo, me Wi-Fi sila. . . pero ang tataas ng COVID cases sa Cainta.”
“Hindi naman tayo pasaway,” sagot ni Papa. “Pangalawa, malapit na pasukan mo. Nakakuha ka na ba ng units?”
Umiling ako. “’Lang silbi ang lintik na load rito. Charge muna ‘ko.”
Pagkasaksak ng smartphone, saka ko napansin ang matinding vibration na gumapang sa pasmadong kamay ko.
Hindi ako nakapag-online pagkarating kina Ate Mae Anne. Bagaman pagkabigay kay Beauty ay agad din akong nakahingi ng password sa Wi-Fi, wala pa rin itong saysay. Dahil anomang ayos ng saksak ang gawin ko, nanatili pa rin ang balandra ng isang babala sa screen ng aking smartphone:
Moisture alert! Moisture alert! Nakaririnding moisture alert!
Kadalasan, ilang oras lang ang palilipasin upang tuluyang matigang ang USB port. Hindi na kailangang mag-abala. Nabasa lang nang kaunti. Isilid lamang sa plastik ng bigas magdamag upang masimot ang hamog sa gadget.
Subalit sa gulantang ng pagkakataon, lahat ito ay hindi nagkatotoo. Bukod tuloy sa nasayang ang oras kabubutingting ng charger, nalagas din ang pagkakataon kong makapag-pre-enlist sa kolehiyo. Habang nagsisi-unahan ang lahat sa limitadong slots ng mga asignatura, heto ako, naghuhuramentado sa wala.
Tulad ni Beauty na nauulol na sa kanyang bagong kulungan.
Sa hilera ng phone repair shops sa basement floor ng Sta. Lucia, nakapagtanong-tanong kami ni Papa. Humigit-kumulang 15 kilometro mula Antipolo tungong Cainta, at Cainta hanggang Sta. Lucia; narito kami ngayon. Tinutumbok ang ugat ng problema.
Ayon sa mga nakausap namin, sirang charging chip daw ang tanging diperensiya. Karaniwang sakit ng touch-screen, anila. At ang posibleng gamot lang daw rito ay ang pagpapalit ng buong port.
Kinuha ko ang pinagsidlan ko ng kita sa pagbebenta ng libro. Magaan na ang pitaka. Tinignan ko si Papa. Tinantiya ang bigat ng maghapon sa kanyang mga mata. Kung babalik pa kami bukas...
“One-three. Last price na ‘yun, ser,” sabi ng technician. “Tumaas kasi ang presyo ng supplier ngayong quarantine.”
“Baka pupuwedeng pakibawasan,” sabi ni Papa. “Estudyante naman ‘yung anak ko.”
“Sensiya na po, ser, hanggang du’n na lang talaga.”
“1,250,” singit ko. Tinignan ako ng technician. “Please, kuya. Kailangan ko lang talaga.”
Dahil nanunuyot na kami sa budget at wala pa akong laptop.
***
Si Arthur David San Juan ay kasalukuyang mag-aaral sa Unibersidad ng Pilipinas Diliman. Ganap siyang kasapi ng Angono Tres-Siete Poetry Society at Hulagway Writers Group. Siya ang may-akda ng librong Sikreto sa Loob ng Kwarto (8Letters, 2019).
***
Read full issue here for FREE.
Memento.
Stories and images in the time of COVID-19
An anthology of the struggles and hopes of Filipinos during the global health crisis of our time.
Banner art by James Cafirma