Ayon sa beterinaryong tinawagan ng nanay ko, parvovirus daw ang pumatay sa aming asong si Mucho. Subalit sa pananaw ng aking pamilya, coronavirus ang salarin.

Nagluluksa kami nang dumating sa amin si Mucho. Hindi dahil ayaw namin sa kanya. Pebrero iyon ng 2013 at isang buwan pa lang kasi ang lumilipas nang mamatay ang isa sa mga ate ko.
Naalala ko nang isalaysay sa akin ni Mama ang alamat ni Mucho. Ayon sa kanya, wala siyang intensyon na mag-uwi ng dalawang tuta. Isa lang ang dapat kukupkupin at sa kasamaang palad ay hindi iyon si Mucho kung hindi ang isa pa naming aso ngayon at noon ay tuta na si Goya. Subalit tiningnan daw siya ni Mucho sa mata at nakita rin ni Mama na siya na lamang ang maiiwan sa munting dog crate na iyon kung sakali. Alam ni Mama ang pakiramdam ng maiwan kaya naman inampon na rin niya si Mucho.
Ang katawan ni Mucho ay isang gubat ng mga puting balahibo na dinungisan ng mga batik, isang pagsasaanyo ng pag-ibig na ipinakita niya sa amin sa loob ng pitong taon. Paano ba naman ay nagtatago sa matikas nitong tindig at upo ang isang pakete ng mga surpresang sakit ng ulo. Subalit hindi ba at ganito naman talaga ang pag-ibig?
Si Mucho nga ang kahulugan ng pag-ibig sa amin. Parang kambing ang pag-ibig, ayaw maligo, at minsan umaangil pa kapag pinipilit at tumatakbo papunta sa loob ng bahay para makatakas sa sabon. Gamit ang tangkad nito, ang pag-ibig ay nangungupit ng longganisa sa mesa.
Pasaway ang pag-ibig. Ayaw dumumi sa damuhan at bagkus ay doon pa talaga sa gitna ng kalsada magbabagsak ng tumpok.
Matalino at matiyaga ang pag-ibig. Hindi ito kakain minsan upang makawala sa lumuwag na collar sa leeg at tatakbong parang si Forrest Gump, ipinagdiriwang ang nakamit nitong kalayaan sa pamamagitan ng mapang-asar na mukha habang hinahabol namin ito sa maraming mga kalye.
At sino rin ang makalilimot nang tahimik na pumasok ang pag-ibig sa pintuan ng kapitbahay upang makinood ng TV hanggang ang masungit naming kapitbahay na ito ay mapasigaw? Sino rin ang makakalimot nang umabot sa barangay ang away ng nanay ko at isa pang kapitbahay na tinangkang saktan ang pag-ibig dahil tahol ito nang tahol sa gabi? Sino ang makakalimot lalo nang matagal na hindi umuwi ang pag-ibig matapos na namang makawala?
Naliligaw ang pag-ibig subalit umuuwi rin. Kapag sumasapit ang gabi ay pumapasok ito sa doghouse na pinagawa namin para sa kanila. Kontento na ito sa mahimbing na tulog kaya huwag na huwang gagambalain. Mahilig itong kumain ng damo. Nasasarapan ito tuwing minamasahe ang likod. At hindi agad ito napababagsak ng isang injection nang ito ay ipakapon namin noon.
Hindi ito nakipag-away sa mga pusa namin kahit isang beses at hindi rin kinakain ang catfood nila tuwing nagugutom na dahil alam nitong maghintay. Hindi ito ganid na nang-aagaw sa pagkain ng mga kasamang aso.
At may mga gabing tumatahol ito kahit walang tao sa labas, parang may nakikita. At minsan pa ay pumupuslit sa loob ng aming bahay para matulog sa tabi ng larawan ng aking yumaong kapatid.
Marunong itong makinig, madaling pagsabihan, gumagalaw pa ang tenga kapag tinatawag ang pangalan.
Naalala ko pa noong maiwan ako rito sa aming bahay ng isang linggo matapos isugod sa ospital ang aking ina dahil matindi ang atake ng mga sintomas ng coronavirus sa kanya. Kasama niya ang isa ko pang ate bilang bantay.
Nahirapan ako noon dahil nakadadama na rin ako ng mga sintomas (at malalaman ko na lang sa sumunod na linggo na nagpositibo rin ako sa virus). Matindi ang aking ubo at madali ring mapagod sa ilang hakbang lang.
Ang maiwang mag-isa sa bahay habang may sakit ay isang pagdurusa. May mga gawaing-bahay na hindi puwedeng hindi gawin. Kailangang magluto para may makain habang hindi pa dumarating ang paabot na ulam ng mga butihing kaibigan. Kailangang magwalis upang hindi manahan sa dumi. Kailangang pakainin ang mga pusa at aso, linisin din ang mga dumi nila upang hindi mamaho.
Sa totoo lamang, bukod sa takot sa gastos at sa katotohanang hindi kasing lala ng sa aking ina ang aking mga sintomas, ang isa pang dahilan kung bakit hindi ako nagpasugod sa ospital ay dahil sa aming mga alagang hayop. Walang mag-aalaga sa kanila. Wala namang makapapasok ng aming bahay dahil baka habulin sila ng aming mga aso.
Naaalala ko pa kung paano ko pa nasinghalan ang aming mga alaga sa ilang mga pagkakataon. Natapon ang pagkain nang maglambing sa aking paanan ang isa naming pusa at napatid ako. Subalit laging turo ng aming ina na huwag silang saktan. Iba ang pagpapadama nila ng pag-ibig.
Noon ay para akong papatayin sa pagod nitong mga alaga namin. Pasaway si Goya at Lala (isa rin naming ampong aso), papasok sa bahay para magpagpag ng balahibo. Maiinis ka kasi katatapos mo lang magwalis. Ang mga pusa naman ay panay ang kayod ng mga kuko sa sofa, naglalabas ng stress sabi ni Mama. May isa pang ilalaglag ang mga libro sa lalagyan upang doon matulog. Naglalambing daw, sabi ni Mama.
Subalit sa gitna ng mga pasaway na ito, si Mucho ay marunong makiramdam. Dama ko ang pakikinig niya sa aking paghahabol ng hininga. Tahimik lang siya. Kapag nagmuwestra ako na “Teka lang ha” ay mauupo siya.
At sabihin niyo nang sobrang lawak ng aking hiraya pero para bang sinasadya ni Mucho na pigilan ang pagdumi para hindi ako maglinis. O kung dudumi man siya ay iyong matigas para madaling dakutin. Kaiba ito sa mga kasama niya.
Kilala namin si Mucho. Hindi siya mahilig magpakita ng lambing, bihira lumapit o kaya ay magkawag ng buntot. Kaya isang gabi, matapos kong magdakot muli ng dumi, lumapit sa akin si Mucho at sinusuwag ng nguso ang aking binti habang ang buntot ay kumukumpas na para bang patpat ng isang adang hinihiling ang aking paggaling.
Sa tingin ko noon ay nagagawa ko naman lahat ng bilin ng aking ina bago siya maospital. Subalit si Mucho ang magpapaalala sa akin ng isang sobrang simpleng gawain na lagi kong nalilimutan: ang laging buksan ang ilaw sa gate. Sabihin niyo nang aksaya sa kuryente subalit nakasanayan itong gawin ng aming ina. Madaling-araw kasi siya bumibiyahe sa trabaho.
At minsan pa ay nasabi niyang gabay ito at pagsalubong sa mga nais umuwi na alam kong tinutukoy niya ay ang mga kaluluwa ng aming namatay na mahal sa buhay na sa paniniwala niya ay nagbabantay sa amin. Noong mag-isa ako sa bahay, tatahol si Mucho na nasa loob ng doghouse, at saka ko maalala ang mahalagang bilin na ito ng aming ina.
Pagtapos ng isang linggo ay pinayagang umuwi ng ospital ang ate ko. Ako naman ang inalagaan niya. Nabigyan ako ng pagkakataong magpahinga. May mga gamot na rin ako dahil dinala isang beses sa ospital para sa check-up. Lagi akong nasa silid habang ang ate ko naman ang nakikibaka sa mga gawaing-bahay, kasama ang pagpapakain sa mga alaga. Simula nito ay bihira ko ng makita si Mucho.
Minsan ay makikita ko na lamang sa bintana ng aking kuwarto na may mga nakakapit na paa ng aso na naging kamay upang makasilip sa akin. Madalas ay si Lala, minsan naman ay si Goya. At isang beses ay si Mucho na pinakanaaabot ko ang ulo dahil sa tangkad niya tuwing nakatayo gamit lamang ang dalawang paa.
Matapos ng isa pang linggo ay nakauwi na ang nanay ko. Kumpleto na kaming tatlo. Bumuti na ang lagay ni Mama. Malakas na muli at wala na ang mga tahol (tawag namin minsan sa ubo) at ang hingal.
Subalit doon na nagsimula ang lahat. Naging matamlay si Mucho. Hindi kumakain kahit pilitin. Lagi na lang nasa doghouse. Namamayat. Hanggang may mga umagang aabutan naming may mga suka ang kanilang lugar. At alam naming sa kanya iyon galing.
Nag-alala na si Mama. Tumawag na siya sa beterinaryo. Doon nga sinabi ng beterinaryo na malamang parvovirus ang tumama kay Mucho na akala pa naman namin ay pinakamalusog sa mga aso namin dahil hindi kahit kailan nagkasakit o dinala sa ospital. Sabi pa ng doktor ay dapat daw ma-dextrose si Mucho.
Dapat dalhin sa beterinaryo. Pero paano? Hindi pa rin puwede lumabas si Mama dahil hinihintay pa noon ang resulta ng swab test niya para makakuha ng clearance. Ganoon din kami ng ate ko. Hindi naman madadala ng kapitbahay dahil takot silang kagatin nito. Wala kaming magawa. Nagalit kami sa coronavirus.
Hanggang isang araw ay ginising ako ng ate ko. Ililibing daw si Mucho ng ilang mga manggagawang binayaran ni Mama ng limang daang piso. Inilagay muna namin sa plastik, ibinalot mabuti para handa ng kunin pagdating ng mga maglilibing.
Laylay at dumurugo ang dila niya. Sabi pa ni Mama ay umaalulong pa kagabi, nagdurusa, namamaalam, inilipat marahil ang sakit namin sa kanya tulad sa pamahiin.
Dumating siya sa panahong may dinaramdam kami at umalis sa panahon ding may dinaramdam kami. Subalit ito at naiwan din kaming nagdaramdam.
Hindi namin nalilimutang buksan ang ilaw sa gate bawat gabi.
*** #MementoCreative Si Kristoffer Aaron Tiña ay nagtapos ng BA Communication Arts (magna cum laude) sa UP Los Baños kung saan din siya kumukuha ngayon ng kanyang master’s degree. Kasalukuyang siyang guro sa City College of Calamba. Ilan sa mga gawa niya ay nalathala na sa Philippine Star at Youngblood. ***
Read full issue here for FREE. Memento. Stories and images in the time of COVID-19 An anthology of the struggles and hopes of Filipinos during the global health crisis of our time. Banner art by Allen Esteban