Paano Manalig Ang Isang Makata
Updated: Aug 15, 2020
kinakain ko ang mundo
na parang asul na ostia
sa isang banal
na misa
ng mga makata;
sinisimsim ko
ang mga maaalat na luhang
umuusbong sa
bukal ng mga sawing puso
na parang
sagradong alak
sa gintong kalis;
hindi ito ang dugo
ng Diyos;
ngunit ito ang
dugo ng mga makata
— itim
parang pakpak
ng mga uwak sa
bintana
— itim
parang mga aninong
nakikipaghabulan sa mga
gamu-gamo sa harap
ng malungkot
na gasera
— itim
parang mga letrang
nahihimbing
sa isang mahabang liham
ng pamamaalam
hindi nagdadasal
ang isang makata;
ngunit tuwing nagtatagpo
ang kanilang mga palad
nagsusumamo sila
sa malawak na kalangitan
ng kanilang dunong
inaantay ang mga
bulalakaw ng tula
na mahulog
sa nag-aabang nilang
pluma.
***
About the Creative
"I strive to flesh out the creative juices in me so I could make art that could scorch the earth." - Isidro M. Luna